Hiyaw ni Tekno

Nagising ako sa saliw ng tunog ng industriya.
Yabag ng tren, harurot at busina; ‘yan ang aking musika.
Ang tanging tanawin ng mga mata’y puro gusali’t pabrika.
Kamag-anak ng kongkreto’t bakal. Pangalan ko’y teknolohiya.

Saan ka man pumunta, saan ka man dumako.
Tingin sa kanan, kaliwa, tingala man o yumuko.
Sa gilid, sa gitna, sa bus, sa eroplano pati na rin sa barko.
Sa paglakad, sa paglangoy at paglipad mo, kasama ako.

Nuong una ay tunay na naging masaya, maligaya.
Mga mahirap na gawain ay padaliin; yan ang aking pasya.
Pinabilis ko ang mabagal. Magaan sa akin ang mabigat sa kanya.
Pagkain ko ay kuryente’t gasolina. Galamay ko ay makinarya.

Nagagalak ako dahil nakakatulong ako sa iyo.
Dahil sa akin, kausap mo ang kaibigan mo sa kabilang parte ng mundo.
Ako ay naging lingkod na tuluyang inalipin mo.
Sa dulo ng daliri mo sumalalay ang mekanismo, pingga’t aparato

Mga desisyon ko ay iyong binaluktot at pinilit ibahin.
Kung ako’y tinanong kung ano ka, ang sagot ko “sakim!”
Sa dalawang kamay mo ako ang ginagamit mong patalim.
Ginawa mo akong laruang manika sa balak mong maitim.

Ang kapaligiran sa aki’y pinabinalot, pinuluputan.
Leeg nya’y aking sinasakal ng labis na kahigpitan.
Kaunti na lang at ang ulo nya’y akin nang pupugutan.
‘Pagkat ‘di mo na mahal ang ina mong kalikasan.

Sa bawat oras at minuto ako’y lumalago.
Unti unti kong iniinom; mga ilog mo’y tinutuyo.
Pagkunwa’y maganda ang hangarin mo’t matino.
Ngunit sa likod ay pakitang-tao, palabas lang, balat-kayo.

Buhok nyang gubat pinakalbo mo’t pinasusuklay.
Tuluy tuloy na nga ba syang magiging matamlay?
Ginagamit mo ang aking sariling kamay.
Sa pagpatay sa aking pinakamamahal na inay.

Mga utos mo’y nakapagpapahinagpis.
Ngunit ako’y walang magawa kundi tumangis.
Napupuno ako, at lubusang naiinis.
Tibok ng puso ko’y lumalakas, bumibilis.

Ito lamang ang aking masasabi; ang huli kong babala.
Huwag mo sanang isipin na ito ay ‘sang banta…
Gamitin mo pa ako sa mga balak mong masama.
Isasama kita sa hukay pag pumanaw ang aking ina.

~~~

I believe in the balance of the natural and artificial. I love nature as much as I love technology. For some reason though, man has abused technology and used it for his own gain at the expense of nature. This pungent poem is made for people to be aware of the consequences of this abuse.

-babolnart